SHOWBIZNEST GALLERY
SHOWBIZNEST WALLPAPER

Thursday, April 17, 2008

"Nakakaiyak sa Hirap ang mga Eksena Ko sa Dyesebel" - MARIAN RIVERA

Ikinuwento ni Marian Rivera kung paano siya nahirapan lumubog sa suot niyang rubber tail sa first taping day niya para sa Dyesebel na kinunan pa sa Coron, Palawan.

"Noong first day ko, kinabahan talaga ako," panimula ni Marian.
"Sa dagat, pinupuwersa ko yung sarili ko para lumubog. Although may rubber tail akong suot, ang hirap talaga. Nilagyan na nga ako ng apat na kilong weights para lumubog lang ako."

Mas lalo raw nakaramdam ng hirap si Marian nang malaman niya kung gaano kalalim ang dapat niyang lubugan.

"Malalalim lahat ng pinuntahan namin. May 20 feet at may 10 feet. Hindi biro ang dumilat sa ilalim ng dagat. E, malabo pa naman ang mga mata ko, ‘tapos nakalunok pa ako ng tubig-dagat. Hirap din akong huminga kasi dire-diretso ang paglangoy ko, ‘tapos kailangan kong i-hold ang breath ko nang matagal.

"Pinakamahirap yung last take namin ni Dingdong [Dantes, her leading man]. Halos umiyak talaga ako habang kinukunan ang eksena. Iikutan ko si Dong sa ilalim ng dagat at titingnan ko siya from underwater. Pero sa awa ng Diyos, nagawa ko lahat ng gusto nilang makita sa Dyesebel," lahad ng young actress.

Hindi naman daw pinabayaan si Marian ng GMA-7 dahil lahat ng safety measures ay meron para maging maayos ang pagganap niya bilang Dyesebel.

"Dalawa ang camera sa ilalim ng dagat," banggit ni Marian. "
May dalawang divers na hahawak sa akin at may dalawa rin na sasagip sa akin if ever magkaroon ng problema.

"Nag-workshop naman kaming lahat for the show. Nakasama ko sina Michelle [Madrigal], Bianca [King], Paolo [Ballesteros], at Marco [Alcaraz].
Kaya yung paglangoy at pagsisid ay natutunan namin nang maayos. Nagkaroon kami ng bonding kaya naging madali ang workshop namin."

Ikinuwento rin ni Marian ang kagandahan ng Coron, Palawan, na pinagkunan nila ng mga underwater scenes ng Dyesebel. Hindi nga raw niya maiwasan na ma-in love sa naturang lugar na lalong nakadagdag sa inspirasyon niya para gumanap bilang Dyesebel.

"Nakarating na ako sa iba't ibang lugar sa Pilipinas, pero nagulat pa rin ako sa kagandahan ng Coron, Palawan. Talagang kakaiba ang mga makikita mo, lalo na ang mga magagandang corals sa ilalim ng dagat.

"Ang maganda pa ay hindi nila sinisira ang kalikasan doon. Untouched by humans ang environment at pinuprotektahan talaga sila ng mga tao roon. Ang mga taga-Coron, mababait sila at napaka-accommodating. Nagawa pa nilang ipasyal kami sa ilang isla doon. Masarap bumalik doon para magbakasyon," pagtatapos ni Marian.


No comments:

Post a Comment